BLOGGER TEMPLATES - TWITTER BACKGROUNDS

Martes, Enero 12, 2010

The Calm After the Rain is Like Love (Excerption)

This is an excerption from ED's Hentai Manga entitled "CHEERISM" (Chapter 4, The Calm After the Rain is Like Love)



Asada's POV:

"Nandito nanaman ako sa embankment, kung saan parating humihihip ang hangin. Parati noong nagugulo ang aking buhok, ganunpaman gustong-gusto ko rito... dahil parati kong nakikita rito si Takagi. Sa daang ito na nagdurugtong mula sa eskuwelahan hanggang sa istasyon ng tren, maraming beses na kaming nagkakasalubong, dahil parati siyang tumatakbo rito. Gusto ko sanang itanong sa kanya... kung bakit parati siyang tumatakbo roon? Iyon ang dahilan kung bakit parati akong naghihintay sa embankment... para makausap sana siya... magtanong ng ilang mga bagay. Pero parati'y nadadaig ako ng kaba at sa huli'y wala ring nangyayari. Pero papaano ko nga ba gagawin 'yon... ni minsan hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap man lang sa klase, at parati lang kaming limitado sa simpleng pagbabatian tuwing umaga. Naalala ko tuloy noong magsimula ang semester, nang tumabi siya sa akin sa unang linggo ng seating arrangement, parati siyang asiwa kapag binabati ako. Siya kasi ang tipong hindi palasalita kaya hindi siya gaanong pansinin sa karamihan... pero kahit ganoon, mabait naman siya at masikap sa anumang gawain. Isang araw, nang maisipan kong dumaan sa may embankment pauwi, doon ko unang nakita si Takagi na tumatakbo. At nang sandaling iyon na nakita ko siya habang humihiwa sa hangin nang buong lakas palampas sa akin... doon ako nagsimulang magkainteres sa kanya nang husto..."



Takagi's POV:

"Habang tumatakbo ako sa may embankment nakita ko si Asada. Iyon ang unang pagkakataong nakita ko siya roon na tila may hinhintay... maaaring ang kanyang nobyo ang hinihintay niya. Kunsabagay hindi naman nakapagtataka pa 'yon... Nakilala ko siya noong magsimula ang semester; isang babaeng may ginintuang buhok at asul na mga mata, agad-agad nakuha niya ang atensyon ko. Parati siyang masiglang nakangiti tuwing babatiin at kinakausap ako sa umaga, kahit na lagi akong kimi at asiwa. At kahit na marami sa mga kaklase't kaeskuwela kong nakakasalubong niya ang nagsasabing napakaganda niya hindi siya nagmamalaki o nagpapasikat man lang - parati lang siyang masayang nakangiti at tumatawa sa kanila. Isang araw, napili ako ng aming klase na mag-represent bilang relay runner para sa school sports competition, tumatakbo ako noon sa embankment para magsanay nang nagkataong makita ko si Asada na naglalakad... at habang tumatakbo ako'y saglit kong napagmasdan ang maganda niyang mukha... ang maganda at masayahin niyang ngiti na hindi nagbabago. At nang sandaling iyon... nagsimula akong magkainteres sa kanya ng husto..."



Asada's POV:

"Maraming beses na akong naghihintay sa embankment, at makailang ulit na rin kitang pinanonood na tumatakbo at nilalampasan lang ako... pero sa huli... hindi rin tayo nagkakausap."


Takagi's POV:

"Maraming beses na akong tumatakbo rito sa embankment, at makailang ulit na rin kitang nakikitang naghihintay roon at nilalampasan ka lang... pero sa huli... hindi rin tayo nagkakausap."


Asada's POV:

"Hanggang nagsimulang umulan. Habang natataranta akong naghahanap ng lugar na masisilungan... lubos kong pinagsisihan na hindi ko siya sinubukang kausapin. Sabik na sabik pa man din ako sa pagkakataong ito... malamang kapag ikinuwento ko ang nangyari kay Saki mamaya siguradong pagtatawanan niya lang ako... sayang.. kung may isa pa sana akong pagkakataon para makita siya... ang gusto ko lang namang sabihin ay..."


Takagi's POV:

Habang naghahanap ako ng lugar na masisilungan mula sa ulan lubos kong pinagsisihan na hindi ko sinubukang kausapin siya kanina... hindi ako sikat, at hindi rin ako gano'n katalino para may maipagmalaki sa ibang tao... kaya kapag nalaman nila ang nangyaring ito sa 'kin siguradong pagtatawanan lang nila ako... pero sa kabila no'n... ang gusto ko lang namang sabihin ay..."


Both:

...Minamahal kita..."