BLOGGER TEMPLATES - TWITTER BACKGROUNDS

Linggo, Mayo 16, 2010

POLARIS (Rewritten) Chapter 1

Chapter 1
“Constant Change”

Alas kuwatro ng umaga; madilim pa ang paligid at himbing pa ang karamihan, ngunit gising na gising na si Alfredo. Abala siya sa pag-aayos ng kanyang mga gamit sa eskwelahan bilang paghahanda sa unang araw ng muling pagbabalik eskuwela. Alas otso pa nang umaga magsisimula ang kanyang unang klase sa umaga, ngunit aniya, mas mainam nang nakahanda ang lahat nang maaaga kaysa naman magkandaugaga siya sa sobrang pagmamadali. Parati’y kinasasabikan niya ang araw na ito sapagkat para sa kanya isang bagong simula nanaman ito ng mahaba ngunit nakaaaliw na pakikipagsapalaran sa kanyang buhay.

Palabas na ng kanyang kuwarto si Alfredo para makapag-almusal na nang mula sa labas ng bintana’y tinawag siya ng isang lalaking may katabaan at matangkad ng kaunting pulgada sa kanya; si Chito iyon, ang matalik niyang kaibigan magmula pa elementarya.

‘Alfredo! Paalis ka na ba agad?’

Dumungaw si Alfredo sa bintana; ‘O! ikaw pala! Hindi pa. kakain pa muna ako sandali. Ikaw?’

‘Tulad mo, kakain pa lang din! Pero hintayin mo ko ha? Para sabay na tayo.’

‘Oo ba! Sige! Tsaka hindi pa naman ako aalis kaagad, maliligo pa ‘ko pagkatapos.’

Matapos makakain, makapaligo’t makapagbihis, binitbit na niya ang kanyang bag, umusal ng maikling dasal at lumabas na ng kanyang kuwarto. Bago umalis ay sumaglit pa muna siya sa kusina upang pormal na makapagpaalam sa kanyang ina na kasalukuyang nagliligpit ng kanilang pinagkainan kaninang almusal.

‘Inay, tutuloy napo ‘ko.’ Humalik sa pisngi ng ina.

‘O, sige. Mag-ingat ka anak.’ Inabot kay Alfredo ang baon nitong pera. Tamang-tama namang palabas na si Alfredo ay dumating na si Chito.

‘O, redi ka na? tara na!’ Ani Chito sa masiglang tinig.

‘Ayos! Tamang-tama ang dating mo!’

Habang nasa sasakyan sila, nagkakuwentuhan ang magkaibigan, si Chito ang nagbukas ng paksa.

‘Hay… kahit kailan talaga napaka-boring ng first day of class, lalo ngayon keaga-aga Math agad ang subject natin!’ Nasusuya niyang sabi habang malalim ang buntong-hininga.

‘E wala naman ‘atang araw na hindi ka tinatamad pumasok ‘no! Linya mo na rin ‘yan kahit nu’ng bago tayo nagbakasyon e!’

‘Senya na ha?!’ May pagkasarkastiko nitong pahiwatig; ‘Hindi kasi ako kasing bibo at sipag mong mag-aral e! Ewan ko ba sa’yo kung bakit nakukuha mong maging eksayted pumasok, ikaw lang ‘ata ang kilala kong eksayted pumasok sa first day e? Labo talaga neto…’

‘Simple lang; bakit pa tayo nag-college kung hindi rin lang natin papasukan yung mga klase natin? Nagsayang ka na ng pera wala ka pang natutunan, hindi ba mas malabo ‘yun?’

‘Oo na sige na! ‘Tsura nito…’ Tangi na lang niyang nasabi pagkat wala nang maipangtapal sa pamimilosopo ni Alfredo.

Pagsapit sa unbersidad nagpaalam si Alfredo kay Chito na sasaglit muna sa kapilya. Isa iyon sa mga karaniwang gawi na ni Alfredo tuwing umaga; ang magdasal para sa isang magandang araw sa klase. Sa loob, binati siya ng kalahating Italyanong pari ng kapilya at isa ring guro sa Religion class.

‘Mabuting umaga sa’yo hijo.’ Malumanay na bungad ng may edad ng pari. ‘Narito ka para magdasal?’

‘Mabuting umaga rin po Father. Opo, magdarasal po ako sa kanya para sa maghapong patnubay niya sa akin sa amin pong klase.’

‘Mabuti. Siguradong nalulugod sa’yo ang Panginoon sa pagbati mo sa kanya ngayong umaga. Sana nga lamang ay mas marami pang kabataang katulad mo na maengganyo ring bumisita rito sa kapilya tuwing umaga para magdasal. Buweno, maiwan na muna kita hijo’t magsisimula na rin kasi ang aking klase. Patnubayan ka nawa ng panginoon.’

‘Sige po Father, salamat po.’

Pagkaalis ng pari’y pumwesto na si Alfredo sa isa sa mga bench roon para magdasal. Maya-maya pa, naabala ang kanyang pagninilay-nilay nang may babaeng lumapit sa kanya.

‘Umm… excuse me? Puwede ba akong maki-share ng upuan sa’yo, kung ayos lang sa’yo? Hindi kasi ako sanay nang walang katabi habang nagdarasal. Maaari ba?’

‘A… O-oo naman, walang problema.’ Medyo alangan pa niyang tugon sa pagkagitla.

Naupo sa tabi niya ang dalaga habang itinuloy niya ang naudlot niyang pakikipag-usap sa Panginoon. Makalipas ng ilang minuto’y muli siyang inusisa ng katabi.

‘Parati ka bang pumupunta rito sa chapel?’

‘Oo. Daily routine ko na ang pagpunta ko rito t’wing umaga para humiling ng gabay sa buong araw ko sa klase.’

‘Ganu’n pala… Ako naman literal na gabay ang dasal ko. Transferee kasi ako rito sa CEU kaya hindi ako pamilyar sa lugar. Dasal ko huwag akong ma-late sa unang araw ko sa klase.’ Pabiro niyang sabi.

‘Teka, saan ba ang classroom mo? Kung gusto mo sasamahan na lang kita roon?’

‘Sa SDV 4th Floor, Room 403. Pero okay lang ba na samahan mo ‘ko, baka kasi ikaw naman ang ma-late?’

‘Kung nagmamadali ka, mas madadali ka kung sasamahan na kita hindi ba, para alam mo na ang daan mo sa susunod.’

‘Kunsabagay. Sige, samahan mo na lang ako do’n.’

Habang naglalakad, muling kinausap ng dalaga si Alfredo.

‘Hindi mo man lang ba ako iwe-welcome bilang bagong school-mate mo?’

Napalingon nang bahagya si Alfredo sa dalaga habang patuloy pa rin sa paglakad. ‘A… Pasensya ka na. Hindi kasi ako sanay sa mga formalities e. Pero kung gusto mo pwede kitang i-tour sa buong University bilang pag-welcome ko sa’yo, kung may oras ka mamaya.’

‘Hindi, ayos lang. Sapat na sa akin na sinamahan mo ‘ko. Ang totoo kasi na-curious lang ako… masyado ka kasing pormal kaya ang akala ko puros mga seryoso ang mga estudyante rito.’ Mahinhin siyang bumungingis.

Natawa rin si Alfredo: ‘Hindi naman sa gano’n, pero natural lang siguro na makaramdam ako ng pagkailang dahil siyempre hindi pa tayo magkakilala. Saka kung sa katulad mo… kung hindi ko nakontrol ang sarili ko baka kanina pa ‘ko pinanawan ng ulirat dahil naglulundag na ang puso ko palabas!’ Ganting biro rin niya.

‘Binabawi ko na ang sinabi ko kanina – may pagkabolero ka pala!’ At sabay na silang nagkatawanan, di alintana ang mga taong nasasalubong nila na napapatingin sa kanila. Hindi na nga nila namalayang dalawang classroom na ang kanilang nalampasan mula sa classroom ng dalaga.

‘Mukhang napasarap ang kuwentuhan nating dalawa… nalampasan na natin ang classroom mo.’ Untag ni Alfredo sa dalaga.

‘Mukha nga. Pero at least nalibang ako habang magkausap tayo. Salamat sa pagsama mo sa ‘kin.’

‘Wala ‘yon! O sige, tutuloy na rin ako sa klase ko, sana maging maayos ang buong araw mo sa klase.’

‘Salamat! At sana… magkita tayo ulit kung sakaling maligaw ulit ako masasamahan mo 'ko ulit.’

Tipid na napangiti si Alfredo. ‘Sige maaasahan mo. Pa'no tuloy na ‘ko.’


Tuwing umaga, pagpasok ko sa university ugali ko na’ng pumunta sa kapilya para magdasal – na maging mabuti ang bawat araw ko sa klase. Bukod ro’n ni minsan hindi ako humiling sa Panginoon ng kahit ano. Pero nu’ng araw na ‘yon… tila pinaghimalaan ako ng langit; bigla na lang dumating ang babaeng iyon sa buhay ko na parang magnanakaw mula sa karimlan ng gabi… Parang gusto ko nang maniwala sa kasabihan ng karamihan, na dumarating raw ang isang bagay sa mga pagkakataong hindi mo inaasahan. At bago pa ako natauhan, nasumpungan ko na lang ang sarili kong kausap siya, na wari’y matagal na kaming magkakilala. Hindi ako natural na ganito, lalo’t sa isang estranghero… pero ang babaeng ‘yon… parang nabihag niya talaga ang atensyon ko, at hindi ko maintindihan kung paano. Siguro, kung may isang bagay akong pinanghihinayangang hindi nagawa nu’ng araw na ‘yon, iyon ay ang pagkakataong malaman man lang sana ang kanyang pangalan.

Martes, Enero 12, 2010

The Calm After the Rain is Like Love (Excerption)

This is an excerption from ED's Hentai Manga entitled "CHEERISM" (Chapter 4, The Calm After the Rain is Like Love)



Asada's POV:

"Nandito nanaman ako sa embankment, kung saan parating humihihip ang hangin. Parati noong nagugulo ang aking buhok, ganunpaman gustong-gusto ko rito... dahil parati kong nakikita rito si Takagi. Sa daang ito na nagdurugtong mula sa eskuwelahan hanggang sa istasyon ng tren, maraming beses na kaming nagkakasalubong, dahil parati siyang tumatakbo rito. Gusto ko sanang itanong sa kanya... kung bakit parati siyang tumatakbo roon? Iyon ang dahilan kung bakit parati akong naghihintay sa embankment... para makausap sana siya... magtanong ng ilang mga bagay. Pero parati'y nadadaig ako ng kaba at sa huli'y wala ring nangyayari. Pero papaano ko nga ba gagawin 'yon... ni minsan hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap man lang sa klase, at parati lang kaming limitado sa simpleng pagbabatian tuwing umaga. Naalala ko tuloy noong magsimula ang semester, nang tumabi siya sa akin sa unang linggo ng seating arrangement, parati siyang asiwa kapag binabati ako. Siya kasi ang tipong hindi palasalita kaya hindi siya gaanong pansinin sa karamihan... pero kahit ganoon, mabait naman siya at masikap sa anumang gawain. Isang araw, nang maisipan kong dumaan sa may embankment pauwi, doon ko unang nakita si Takagi na tumatakbo. At nang sandaling iyon na nakita ko siya habang humihiwa sa hangin nang buong lakas palampas sa akin... doon ako nagsimulang magkainteres sa kanya nang husto..."



Takagi's POV:

"Habang tumatakbo ako sa may embankment nakita ko si Asada. Iyon ang unang pagkakataong nakita ko siya roon na tila may hinhintay... maaaring ang kanyang nobyo ang hinihintay niya. Kunsabagay hindi naman nakapagtataka pa 'yon... Nakilala ko siya noong magsimula ang semester; isang babaeng may ginintuang buhok at asul na mga mata, agad-agad nakuha niya ang atensyon ko. Parati siyang masiglang nakangiti tuwing babatiin at kinakausap ako sa umaga, kahit na lagi akong kimi at asiwa. At kahit na marami sa mga kaklase't kaeskuwela kong nakakasalubong niya ang nagsasabing napakaganda niya hindi siya nagmamalaki o nagpapasikat man lang - parati lang siyang masayang nakangiti at tumatawa sa kanila. Isang araw, napili ako ng aming klase na mag-represent bilang relay runner para sa school sports competition, tumatakbo ako noon sa embankment para magsanay nang nagkataong makita ko si Asada na naglalakad... at habang tumatakbo ako'y saglit kong napagmasdan ang maganda niyang mukha... ang maganda at masayahin niyang ngiti na hindi nagbabago. At nang sandaling iyon... nagsimula akong magkainteres sa kanya ng husto..."



Asada's POV:

"Maraming beses na akong naghihintay sa embankment, at makailang ulit na rin kitang pinanonood na tumatakbo at nilalampasan lang ako... pero sa huli... hindi rin tayo nagkakausap."


Takagi's POV:

"Maraming beses na akong tumatakbo rito sa embankment, at makailang ulit na rin kitang nakikitang naghihintay roon at nilalampasan ka lang... pero sa huli... hindi rin tayo nagkakausap."


Asada's POV:

"Hanggang nagsimulang umulan. Habang natataranta akong naghahanap ng lugar na masisilungan... lubos kong pinagsisihan na hindi ko siya sinubukang kausapin. Sabik na sabik pa man din ako sa pagkakataong ito... malamang kapag ikinuwento ko ang nangyari kay Saki mamaya siguradong pagtatawanan niya lang ako... sayang.. kung may isa pa sana akong pagkakataon para makita siya... ang gusto ko lang namang sabihin ay..."


Takagi's POV:

Habang naghahanap ako ng lugar na masisilungan mula sa ulan lubos kong pinagsisihan na hindi ko sinubukang kausapin siya kanina... hindi ako sikat, at hindi rin ako gano'n katalino para may maipagmalaki sa ibang tao... kaya kapag nalaman nila ang nangyaring ito sa 'kin siguradong pagtatawanan lang nila ako... pero sa kabila no'n... ang gusto ko lang namang sabihin ay..."


Both:

...Minamahal kita..."

Miyerkules, Disyembre 23, 2009

Greeting Message

Sumubok akong magsimula ng blog. Medyo nakakapanibago pero one of these days ipopost ko rito ang buong chapters ng POLARIS (including deleted chapters) So hanggang dito na lang muna!